[This message was written by the artist Danilo Dalena about his friend Ding. Dalena's daughter, Sari, during our launch last 10th June 2023.
Image credit: Portrait of Ding Nolledo by Danilo Dalena (c.1981), image courtesy of the Dalena family.]
Walang naisulat si Danilo Dalena, hindi niya kinaya kaya’t humihingi siya ng patawad. Ang pinapaabot ni Dalena ay pangangamba: baka bumangon daw si Ding mula sa pagkakahimlay. Ang lalim pa naman daw ng English ng mga libro ni Ding. Ang hirap daw na basahin at tapusin. Maloloko daw siya kung tuluyan niyang basahin.
Pinaliwanag namin na hindi naman book review ni Ding Nolledo ang hinahanap kay Dalena kundi mga kuwento ng kanilang pagkakaibigan. Hindi kailangang malalim, hindi kailangang mabigat, kundi mga simpleng mga kuwento na maaring magbigay ng ideya kung sino si Ding para sa kanya. Sa ganitong paraan mas magiging tunay ang hugis ni Ding bilang tao sa mga katulad natin na di na niya nakahalubilo. Kaya’t narito ang maikli at walang bolang ambag ni Dalena sa okasyon ng paglulunsad ng libro na But for the Lovers.
----
Matagal kami nagkasama ni Ding. Mula sa Free Press hanggang sa umalis na kami. Naappreciate ko ng husto ang pagkakaibigan namin ni Ding dahil nararamdaman ko na itinuturing niya ako na tunay na kaibigan. Lagi niya akong gusto na kasama, kahit na hindi namin kailanman pinaguusapan ang mga libro niya.
Tuwing magkasama kami ang pinaguusapan namin ay walang katuturan, Habana umiinom nalilibang kami sa nakikita namin sa kapaligiran. Ang pinakapaborito namin na spot ay sa Cubao. Di ko na maalala kung saan eksakto pero sa mga lugar na tanaw namin sa labas ang mga happening. At praktikal yon kay Ding dahil isang sakay lang pauwi ng Marikina mula sa Cubao.
Ako mismo ay nagtataka kung bakit ako ang napili niya na lagi’t-laging kasama tuwing lumalabas. Dahil kung tungkol sa kanyang mga sinulat ay ano ba naman ang pag-uusapan namin? Inuulit ko, sa buong panahon na kami ay nagkasama, hindi namin pinag-uusapan ang mga sulatin niya o di kaya ang mga pinipinta ko. Hindi namin kailangan ipaliwanag ang mga ito sa isa’t-isa.
Ang pagkakaibigan namin ay ganito, tuwing pumupunta siya kay Nick Joaquin, rekisito na kasama ako. Hindi ko makalimutan yon. Dinadaanan pa niya ako sa Kamuning na nakataxi. Yung mga pagtatalo nila sa bahay ni Nick ay hindi mo mararanasan na mangyayari sa harap ng ibang tao. Maski na mga kaibigan. Lumalabas ang tunay nilang mga pagkatao at masayang masaya sila sa kanilang mga pagtatalo. Halo halo ang mga paksa: tungkol sa pagsusulat nila o habang may kaharap na libro ng iba. Ako naman ay nakatunganga lang at masaya na nanonood sa kanila. At si Nick, naaalala ko ay umaakyat pa sa itaas ng bahay para kumuha ng mga libro na ipapasa niya kay Ding para basahin. Hindi ko na maalala ang mga titles. Ako din ay nakakaambush din ng mga libro mula kay Nick, pero ang binibigay niya sa akin ay yung may mga illustrations at paintings. Hindi yung mga libro na puro teksto lang. Alam kasi sigurado ni Nick na di ako nagbabasa. Minsan ang binigay pa ni Nick sa akin ay libro na Espanyol, dahil sa illustrations.
Kasama rin ako ni Ding sa paghahanap ng mga Betamax tapes—sa Kamuning, sa Eunilaine sa Kalayaan—paborito naming puntahan ito. Mga magagandang pelikula ang hilig namin na magkasamang panoorin at doon sa mga napanood namin ay naghuhulaan kami ng mga titles at pangalan ng mga artista na gumanap.
Basta’t naramdaman ko lang sa aking puso na mahal ako ni Ding bilang isang tunay na kaibigan, at ganon din ang aking pakiramdam sa kanya. Yon na siguro ang dahilan kung bakit inuubos niya ang oras niya sa akin.
Maraming salamat Ding at nakilala kita at nakasama. Hanggang dito na muna.